home
from the editor's laptop
welcome readerpoemsessaysshort storiesplaysbibliographybookslinksarchivesindex to issuesOOV readersabout us / submitcurrent issue

 

Mapapa-hagulgol si Diday, at aalalayan ito ni Esther, dadalhin sa isang upuan.

Kailangang i-report na natin ito. Pero nawawala naman si Jo-Ann. Paano nating ire-report sa pulis kung di siya kasama?

Putang-inang pulis-pulis pa. Paghahatawin na lang natin ng itak yang damuhong iyan.


Putang-inang pulis-pulis pa. Paghahatawin na lang natin ng itak yang damuhong iyan. Ang kapal talaga ng mukha! Pinlano talaga. Pag-gising, eh, nagpadala ng kape sa kwarto, tapos mag-grocery raw si Lani, binigyan ng pera. Tapos bumaba, duon sa baba gumamit ng telepono. Na hindi naman niya dating ginagawa. Matapos ang tawag, binalingan ako sa kusina, kailangang may kunin daw ako kay Senyora. Di ako makahindi, at alam ko naman ngang pumunta sa Mama niya. Pero naisip ko ngang baka may gawin dun sa bata. Bago ako umalis, pinagsabihan ko pa nga si Jo-Ann. Sabi ko, huwag kang lalabas ng kwarto natin, dito ka lang. Mag-plantsa ka lang diyan, hanggang bumalik si Lani. Tarantadong iyon! Pinlano niya, eh. Sabi na nga ba, dapat pina-alis na namin yang si Jo-Ann nun pa, eh. Mahirap din naman kasing kausapin yung bata, eh. Parang may diperensiya. Di man lang masabi kung saan siya nanggaling, saan siya nakuha ni Sir. Alam lang namin, taga-Butuan. At may kamag-anak yata dito sa Maynila.

Anong gagawin natin, Margie?

Yung kamag-anak, alam niyo bang kontakin?

Hindi, eh. Hindi nga matabil yang si Jo-Ann, eh, para ngang may diperensiya. Madalas nakangiti lang. At magaan namang kasama. Tumatawa, at minsan nakikipag-usap. Pero minsan din parang blangko yung mata, yung utak. Parang kahit anong sabihin mo, gagawin lang nang walang kibo, sunod-sunuran lang.

Napansin ko nga. Nung dinala minsan dito ni Lani yan, parang masyadong mabait na bata. At maganda. Pero parang walang sariling kusa, at di mapagtatanggol ang sarili.

Sobra na yang Mr. Enrique'ng yan. Buktot talaga. Hindi pa naman natin naitatayo yung asosasyon natin. Nangyari na ito. Natitiyak nina Diday na hinalay yung bata. Walang-hiya talagang lalake!

Hinalay talaga! Kitang-kita yung dugo sa bedsheet ng walanghiya! Hindi nga namin ginalaw ni Lani. Iintayin naming ipalaba ng tarantadong mamang yun. Ay, naku, dapat yata kinuha namin. Ebidensiya yan, di ba? Teka, tawagan natin si Lani.

Teka. Pero dapat talaga, sa presinto ng pulis i-report ito, eh. At ... Esther, anong palagay mo? Pwede ngang ebidensiya yung bedsheet, ano? Pero kailangan bumalik si Jo-Ann. O makita natin. Saan naman natin hahanapin yun?

Hello, Lani. Ano, si Jo-Ann, wala pa ba riyan? ... Teka, Lani, yung bedsheet, iniisip namin dito, baka dapat itago natin. Sabihin nating nilaban, pero hindi, itago lang natin. Kunin mo na kaya?

Kung itanong ko kaya sa amo ko? Mabait siya, at abogado. Kahit si Mrs., kakampihan tayo noon. Baka ma-abisuhan tayo kung anong dapat gawin.

Dapat kasuhan yang si Mr. Enrique. Pero pwede lang yun kung papayag si Jo-Ann at magko-cooperate.


Dapat kasuhan yang si Mr. Enrique. Pero pwede lang yun kung papayag si Jo-Ann at magko-cooperate.

Eto nga't nag-uusap kami nina Esther at Margie. Pero pag hindi bumalik yang si Jo-Ann, anong gagawin natin? Wala tayong pwedeng gawin. Layasan na lang natin yang tarantadong yan. Pero kunin mo na yung bedsheet, Lani. Pang-ebidensiya yan kung sakali. Sabi nga ni Margie, dapat daw sa pulis i-report yang rape na nangyari. ... Ano? Hello? Ha, nandiyan? Naku, hindi mo na makukuha! ... O, sige, sige, tawagan tayo uli. Pag tinanong ako, sabihin mo bumalik ako dun sa Mama niya, at hindi ko naman nakuha kanina yung pinapakuha, wala naman daw si Senyora dun. ... O. sige, okey, babay na!

Ibababa ni Diday ang telepono at babalikan sina Margie at Esther.

Naku, huli na! Bumalik si Sir! Naku, teka, nalilito na ko! Baka dapat bumalik ako run. Si Lani lang ang nandun. Baka hindi makapag-timpi yang Waray na yan, at saksakin sa galit yung si Sir. Eh ba't ko nga ba aawatin? Tulungan ko pa siya. Teka, teka, ano, Esther, uuwi kaya muna ko, o ano? Tarantadong lalake yun, wala naman daw silang alam na pinapakuha dun kay Senyora kanina. Talagang pina-alis lang kami ni Lani sa bahay, para ma-reyp niya si Jo-Ann.

Saan kaya natin mahahanap si Jo-Ann?

I-report ko na kaya kina Sir at Ma'm ko? Pag-uwi nila mamaya? Makakatulong sila, parehong abogado. At makatao.

Ewan ko lang, Esther. Magka-kapitbahay tayo. Ganun ba katapang ang mga boss mo? At teka, Diday, ano, baka nga dapat umuwi ka, nang hindi mag-hinala yung Sir niyo ... na alam niyong nangyari. Eh kung tanungin kung asan si Jo-Ann? Anong sasabihin niyo?

Eh di nawala. Pagbalik namin, biglang umalis ng walang paalam. Konsyensyahin siya tuloy. Kung may konsyensya. Pero wala, eh!

Bakit ba nangyayari ito? Bakit pa lagi na lang tayong walang karapatan?

Kikiriring ang doorbell. Mapapasugod si Margie sa bintana.

Ay, si Lani! Lani, pasok ka!

Bubuksan niya ang pinto, at humahangos na papasok si Lani.

Ay, Diday, di ko na kaya! Tinakbuhan ko na! Tinatanong ako kung asan kayo. Hindi ako makapag-salita. Gusto ko na'ng pagmumurahin. Nang panay ang tanong tungkol kay Jo-Ann, at asan raw, tinignan ko lang siya ng matalim. Nakahalata yata. Biglang tumalikod. Gusto ko nang batuhin ng ashtray. Hindi ako makaka-pigil, kako sa sarili ko, kaya basta lumabas na lang ako. Ewan ko kung alam niya, at papanhik na sa taas. Pero narinig siguro yung pagbukas ko sa gate. Hindi bale na! Punta na lang tayo kay Senyora. Di na ko makaka-balik dun kay Sir. Ikaw na lang ang kumuha ng mga gamit natin.

Eh kung bumalik si Jo-Ann dun? Eh di lalo nang ... Pagsasamantalahan uli yun. At kakausapin, babayaran, bobolahin. Alam mo na si Jo-Ann, sunod-sunurin, matatakutin. Kailangan pa rin natin siyang ipagtanggol.

Oo nga, Lani. Di niyo pwedeng iwanan yung bahay, at baka bumalik si Jo-Ann. Intayin niyo munang bumalik.

Bakit ba may mga taong ganyan? Pinagsisilbihan mo na, ganyan pang gagawin.


Bakit ba may mga taong ganyan? Pinagsisilbihan mo na, ganyan pang gagawin. Aping-api na nga tayo, luluyaran pang ... pagka-dalaga ng ... ng bata ...

Maiyak-iyak na si Esther. Lalapitan siya ni Margie, habang patuloy na magtatalo sina Diday at Lani.

Eh ganyan yata talaga'ng papel natin sa buhay, eh.

Bakit ganoon? Hindi naman dapat.

Hindi ko na kayang harapin yang si Sir. Baka ano pang masabi ko riyan, o ano pang magawa ko.

Pero paano na si Jo-Ann?

Babalik na ko kay Senyora. Pag nagtanong siya kung bakit, sasabihin ko ... Kung gaano ka-buktot yung anak niya. Bahala na. Kung palayasin niya ko, balik probinsiya na lang muna ko.

Tiisin na lang muna natin, Esther. Magbabago rin yan.

Dapat may gawin tayo para magbago.

Eh paano ngayong gabi? Ako lang ang babalik dun?

Ikaw na lang muna, Diday. Talagang di ko kayang makita pa'ng pagmumukha nun. Itabi mo na lang munang mga gamit ko, o dalhin dito kay Margie.

Paano naman ako, Lani? Iiwan mo ko? Intayin na lang muna nating bumalik si Jo-Ann, at isama natin.

Buhay na natin ito, Esther. Nakagisnan ko na, kayat siguro, akseptado ko na'ng kalagayan na ito. Buti nga tayong dalawa, medyo swerte sa amo.

Pero yung mga ibang tulad natin, hindi. Dapat naman natin silang tulungan. Hindi pwedeng puros pang-aapi na lang ang matitikman nila. Tulad nitong nangyari kay Jo-Ann. Kaawa-awa. Magpa-Pasko pa naman.

Naku, sige na nga, Diday, babalik muna akong kasama mo. Pero pag hindi bumalik si Jo-Ann hanggang bukas, lumayas na tayo. Aba, ewan ko sa iyo, kung matitiis mo pang makasama sa bahay yung lalaking yun, bahala ka. Ako, hindi na. Hanggang bukas lang. Kung sasama ka naman, maari namang ipagbilin natin dito kay Margie na abang-abangan si Jo-Ann. Pag bumalik, saka tayo tawagan. Kunin natin. Kung ayaw niya, wala na tayong magagawa. Magsama na sila ng tarantadong iyon, hanggang sa mabuntis siya.

O, sige, sige. Bumalik na tayo, Huwag na lang tayong magsalita. Pag tinanong si Jo-Ann, sabihin nating di natin alam, basta umalis ng walang paalam. Baka palaban pasatin yung bedsheet, maitatago natin bilang ebidensiya, kung sakaling sumang-ayon si Jo-Ann na isuplong sa pulis ang matulis na iyon.

O, Margie, babalik muna kami. Baka bumalik rin dun si Jo-Ann, kung ano pang mangyari. Titiisin nalang muna namin, pero bukas lalayas na kami, dumating man o hindi si Jo-Ann.

O, sige,pag-isipan niyo lang muna. Hindi ba, bukas, magpupulong tayong muli rito? Wala yung si Sir at magba-Baguio ng weekend. Pwede uli tayo rito.

Sige, Margie, nang mapaalam natin sa lahat ang nangyari.Desisyunan natin bukas kung itutuloy natin ang asosyasyon. Baka wala ring mangyari. Buhay na nga yata natin ito. Pero hindi dapat.

Sige, Margie.Salamat uli. Kita tayo bukas. Pag bumalik si Jo-Ann, tatawagan ka namin. Baka dapat kayo ni Esther ang kumausap sa bata.

O, sige.

Lalabas ang tatlo at pagmamasdan silang sandali ni Margie na hawak pa ang bukas na pinto. Maririnig na bubukas at sasara ang gate. Di pa rin kikilos si Margie, nakatingin sa labas. Dahan-dahan niyang isasara ang pinto.

Mabagal siyang lalakad patungong sofa, at dito ay tiim-bagang uupo. Pipikit niya ang kanyang mga mata. At nang parang malapit na siyang maiyak, aabutin niya ang tissue box napinagkuhanan niya ng pagpunas sa bibig ni Ramon. Hihila siya ng isang tissue sheet at tatakpan ang ilong at bibig, habang ipipikit muli ang nga mata. Pagkalipas ng ilang sandali ay bubuksan niya ang kanyang mga mata, at medyo sisinghot at magpupunas ng ilong.


Bakit nga ba? Ganito na lang nga ba? Luto, linis, laba. Walis, hugas, plantsa. Minsan isang linggo, isang buwan, day-off. Kinsenas, sweldo.


Bakit nga ba? Ganito na lang nga ba? Luto, linis, laba. Walis, hugas, plantsa. Minsan isang linggo, isang buwan, day-off. Kinsenas, sweldo. Kapag sinwerte sa amo, may maiipong konti, o may mapapadala sa nangangailangan sa probinsiya. Pag minalas naman sa napasukan, tiis na lang. Hanggang makakita ng malilipatan. Kung meron pang malilipatan. Kung hindi, tiis na lang. Tiis na lang.

Maririnig nagbubukas ang gate. Mabibigla si Margie at tatayo, tutungo sa pinto. Bago niya ito madating ay bubukas ito ng mabagal.

O, Jo-Ann! Uy! Jo-Ann. Halika, halika, pasok ka! Kumusta ka na bang bata ka?

Hihilahin niya si Jo-Ann patungong sofa. Susunod lang ang babae, na mukhang malungkot at tuliro. Uupo ito.

Ate Margie, akala ko narito sina Ate Lani at Ate Diday ...

Ay, nandito nga kani-kanina lang. Kalalabas lang. Pero dito ka muna. Magpahinga ka lang muna rito. Gusto mong tubig? Saan ka ba nanggaling? Hinahanap ka nila, eh.

Sa labas lang po. Naglakad-lakad lang ako. Tapos tinatawagan ko sila, wala hong sumasagot sa bahay. Ayoko naman pong bumalik dun.

O, buti't naisipan mong pumunta dito. Dito ka lang muna. Tatawagan natin sina Diday.

Ewan ko po. Ayoko hong bumalik dun. Ayoko hong bumalik sa amin sa probinsiya. Ayoko na ho. Ayoko na ho rito sa Maynila. Ayoko na ...

Yayakapin ni Margie si Jo-Ann. Pareho silang mapapa-iyak nang konti. Samandali ay mahihinto ito at maghihikbian na lamang.

Bakit ho nangyari ito? Bakit ho may taong ganon?

Hindi makasagot si Margie. Hahaplusin lang niya ang balikat ni Jo-Ann.

Nagsisilbi lang naman po ako. Katulong lang ako sa bahay. Kasama ho ba yun sa trabaho ko?

Hindi, Jo-Ann. Hinding-hindi. Pero meron tayong maaring gawin para matigil ang mga kabuktutan na ganyan. Maipapaligpit natin yang masamang lalaking humalay sa iyo. Sasamahan ka namin, i-re-report natin ang nangyari sa iyo. Hihingi tayo ng katarungan.

Ayoko nang bumalik dun.

Hindi ka babalik dun. Sasama ka kina Diday at Lani. Kung gusto mo'y maari ka ring tumira muna rito sakin. O dun kina Esther. Kukupkupin ka muna namin. Pero kailangang i-report natin ito sa awtoridad, nang mahinto na yang ganyang gawain ni Mr. Enrique.

Ayoko nang bumalik sa probinsiya.

Kung ayaw mo'y walang pipilit sa iyo. Ang mahalaga'y magtulungan tayo para mailigpit iyang mga katulad ng nang-salbahe sa iyo.


Kung ayaw mo'y walang pipilit sa iyo. Ang mahalaga'y magtulungan tayo para mailigpit iyang mga katulad ng nang-salbahe sa iyo.

Salbahe. Katulong lang naman ako.

Tatawagan natin sina Diday at Lani, at nag-aalala sila sa iyo. Akala nila hindi ka na babalik.

Hindi na ko babalik.

Hindi na nga, hindi sa bahay na iyon. At tatawagan din natin si Esther. Mga abogado ang pinagsibilbihan niya. Tutulong sila satin. Tutulungan ka nila.

Katulong lang ako. Bakit ako ginanon?

Walanghiya yang lalaking yan. Dapat sa kanya, mabilanggo.

Ganito bang buhay ng katulong? Ganito ba, Ate?

Hindi dapat, Jo-Ann. Hindi dapat.

Sabi sakin, makaka-ipon daw ako. Magpapadala daw ako ng pera samin. Pero masakit, Ate. Ayoko na.

Tibayan mong loob mo, Jo-Ann. Lalaban tayo. Pakukulong natin ang lakaking yun.

Ang hirap naman, Ate. Ayoko nang maging katulong.

Naiintindihan ko, Jo-Ann. Mahirap talaga. At kadalasan nga'y kay sakit ng nangyayari.

Tahimik na iiyak si Jo-Ann. Tutulo ang luha sa kanyang mga pisngi. Hahaplos-haplusin ni Margie ang kanyang ulo't buhok. Medyo didilim ang ilaw, hanggang sa magkaroon ng mahinang spot na nakabalot sa dalawa.

Aawit si Margie ng parang isang uyayi.



"Luto, linis, laba ...
yan ang buhay ng katulong.
Walis, hugas, plantsa ...
Walang humpay na pagdusa.
Pagsalta sa Maynila,
Marami ring matututunan:
Luto, linis, laba ...
Walis, hugas, plantsa ...
At iba pa, at iba pa ...

Bibilis ang kanyang awit, mag-iiba ang tempo, at parang masayang martsa ang takbo nito.

"Ganyan ang buhay chimay.
Ganyan ang buhay chiching.
Pulot ng dyaryo, gawa ng kape,
Magsaing, magprito ng estrelyado.
Cereals, bacon o tapa para sa amo.
Sa sarili'y tira-tira, sardinas o tuyo.
Ang tiyan ng bangus ay kanila.
Ganun na rin ang bulalo.
Sa iyo't sa aso ang buto.

Ganyan ang buhay chiching.
Ganyan ang buhay chimay.

Ngunit meron rin namang
ihip ng hangin kung minsan.
May among mapagmalasakit,
Ang trato sa iyo'y napakabait.
Kwarto mo'y may tv at electric fan.
Ika'y ka-pamilya, para kang pinsan.
'Pag Pasko pa nga'y sabay ka sa hapunan.
Kahit 'sang-beses 'sang taon ang Media Noche,
Masarap ring matikman-hamon at leche flan.
At 'pag kasundo mo ang iyong alaga,
Ay para na ring ikaw ang umaaruga.
Hanggang ito'y lumaki, mag-dalaga
O mag-binata, at ika'y angkinin pa rin.
Labas mo'y mayordoma,
Para na ring reyna.

Ganyan ang buhay chiching.
Ganyan ang buhay chimay.

Luto, linis, laba ...
Walis, hugas, plantsa ...
At iba pa, at marami pang iba
Minsa'y walang humpay na pagdusa.
Minsan nama'y gloria,
Buhay-gloria, buhay-gloria."

* * *
Didilim ang entablado.

previous page | next page

back to toptop



powered by
FreeFind
  poems | essays | short stories | plays
from the editor's laptop | welcome reader | frontispiece | bibliography
books | links | archives | index to issues
readers | about us | current issue