             |

Liliwanag ng konti ang entablado. Parang naitulak na palayo ang nakagisnan nang set na siyang kabahayan na pinagsisilbihan ni Margie. Sala na lamang ang makikita dito, at wala na ang pasukan sa kusina o munting silid na parang upisina.
Itong lumayo at lumiit na sala ay mayroon nang isang malaking transparent screen sa harap, tila ba kulambong itim. Makikita pa rin ang mga detalya sa sala, o sinumang tumao rito, kapag lalakas ang ilaw. Pero pag spotlight na lang sa mismong harap ng entablado ang nakabukas, at didilim sa sala sa likod ng screen, halos hindi na makita ang magpupulong rito hanggang lumakas uli ang ilaw.
Dahil sa pagkatulak sa set, lumaki ang espasyo sa entablado sa harap ng salang ito.
Lalabas si Carol mula sa kaliwa, balisang-balisa. Susundan siya ng spotlight.
CAROL: Ay, sus, ginoo! Ay, sus, ginoo! Ano na bang nangyari sa aming mundo!
Lalabas si Marivic mula sa kanan, galit na galit. Susundan siya ng ibang spotlight.
| Putang-ina! Putang-ina! Maghalo na'ng balat sa tinalupan! Di kami papayag nito! Di namin matatanggap ang nangyaring ito! |
MARIVIC: Putang-ina! Putang-ina! Maghalo na'ng balat sa tinalupan! Di kami papayag nito! Di namin matatanggap ang nangyaring ito!
CAROL: Magmi-miting pa naman sana kami. Itatayo na namin ang asosasyon. Ihahalal na namin ang unang mga opisyal.
MARIVIC: I-re-report pa naman sana namin ang nangyari kay Jo-Ann. Bumalik na siya at nagtungo kay Margie. Pumayag na'ng samahan siya sa presinto ni Esther, at i-report ang kawalanghiyang ginawa sa kanya ni Mr. Enrique.
CAROL: Tinawagan nila sina Diday at Lani. Nag-alsa-balutan ang dalawa, at dala na rin ang mga gamit ni Jo-Ann. Pumunta sila sa bahay ng Senyorang ina ni Mr. Enrique. Dun sila nagpalipas ng gabi.
Habang nagtatalumpati ang dalawa ay pumwesto na sina Margie, Diday at Lani sa salang malayo, pero hindi pa sila makikita. Pagsalita ngayon ni Marivic ay unti-unting liliwanag ang sala sa likuran ng maitim na screen, at makikitang nag-mimima ang tatlo.
MARIVIC: Pero kinabukasan ay nagitla sina Diday at Lani. Nagpatiwakal si Jo-Ann. Humahangos silang ibinalita ito kina Margie at Esther.
Makikitang tahimik na naghihiyawan ang tatlo, at magyayakapan habang nag-iiyakan. Dadating si Esther at madidinig ang balita. Siya rin ay tahimik na tatangis. Malulugmok si Margie sa sofa.
CAROL: Ay, sus ginoo! Ay, sus ginoo! Bakit nangyari to sa aming munting mundo!
MARIVIC: Putang-ina! Putang-ina! Asan ngayon ang hustisya!
Makikitang darating pa ang ibang mga gumaganap, sina Maring, Linda at Bingbing. Makikiramay sila sa apat na nasa sala. Susunod ay dadating rin ang ilan pang mga babae, mga anim o pitong katao, hanggang sa halos mapuno ang sala. Lahat sila ay balisa, galit, malungkot, hanggang sa tahimik silang magsisigawan at magtaas ng mga kamao.
CAROL: Ano pa'ng gagawin namin? Sabi ni Esther, panahon na upang magising ang mga amo namin sa kabuktutang nangyayari at bumibiktima sa ilan samin. Ngayong patay na si Jo-Ann ay hindi nangangahulugang wala na kaming ipaglalaban.
MARIVIC: Napagkasunduan na i-report pa rin sa homeowners ang nangyari. At lahat kami'y mag-welgang pansamantala, hanggang sa ma-aksyunan ang kaso, at mapabilanggo si Mr. Enriquez.
May pagka-estilong maghihiwalay ang labing-tatlo o labing-apat na babaeng nasa sala. Isa-isa silang tutungo sa iba't-ibang sulok ng sala at dadamputin ang mga walis na nakatago, dadalhin ang mga ito sa isang tabi at ilalapag nang marahan, hanggang sa magkaroon ng tumpok ng mga walis. At sila'y tatalikod.
Habang nagsasalita pa rin sina Carol at Marivic ay itutuloy ang ma-estilong pagkilos ng mga babae sa sala. Dadampot naman sila ng mga basahan, at gagawa naman ng isa pang tumpok ng mga ito. Ang iba ay dadampot ng mga kasangkapang pangluto, at ilalapag rin ang mga ito. Ang mga iba naman ay dadampot ng mga maruruming damit na panlaba, at ilalapag rin ang mga ito.
Sa huli ay makikita silang dadampot ng mga kani-kanilang gamitmga sari-saring bag at kahon at radio-cassette, at unti-unti silang pipila at lalabas papalayo mula sa sala, hanggang sa lalakas ang ilaw rito at makikita lamang ang naiwang mga tumpok ng kagamitan.
CAROL: Nag-alok ng tulong ang mga abogadong amo ni Esther. Maari pa raw i-report sa pulis at i-demanda si Mr. Enrique. Ayan na nga ang ginawa ni Esther. Pero sumanib pa rin siya sa welga, pasensya na lang raw muna ang mga amo niya.
| Karamihan samin ay sinubukang takutin ng mga Bossing, mga Sir at Ma'm, mga Senyor at Senyora, mga Don at Donya. Pero tsugi kayo ngayon, sabi namin sa kanila! |
MARIVIC: Karamihan samin ay sinubukang takutin ng mga Bossing, mga Sir at Ma'm, mga Senyor at Senyora, mga Don at Donya. Pero tsugi kayo ngayon, sabi namin sa kanila!
CAROL: Natakot nga ang ilan samin. Pero pinagtibayan nila'ng kanilang mga loob, salamat na rin sa mga payong nanggaling mula kina Ate Esther, Manang Maring at Ate Margie.
MARIVIC: Si Margie nga, pumuputok ang dibdib at iniwanan niya ang kanyang alaga. Nag-ii-iyak raw si Ramon, at pilit siyang pinakikiusapan ng amo niya. Bakit naman daw sila ang parurusahan at hihirapan, handa naman silang tumulong upang makamit nga ang hustisya alang-alang sa nasirang si Jo-Ann. Tse! Ngayon pa!
CAROL: Una'y di namin malaman kung saan kaming lahat pupunta. Panukala ni Esther, sa DSWD daw, at ipagkalat na rin namin dun, sa harap ng media, ang nangyari sa village namin.
MARIVIC: Pero minabuti naming makiusap sa mga madre sa nalalapit na kumbento. Para kaming isang batalyon na Tita Cory, duon muna kami tumuloy habang nagkaka-rebolusyon sa village amin.
CAROL: Rebolusyon sa mga buhay ng mga dating amo namin. Naranasan nila ngayon kung gaano kahirap mamuhay nang walang katulong. Sila-silang nagluluto, naglilinis, naglalaba, at ...
Si Carol ay magsisimulang kumanta.
CAROL:
"... Marami pang iba ... Marami pang iba."
Sasabayan siya ni Marivic.
CAROL at MARIVIC:
"Luto, linis, laba ...
Iyan ang buhay ng walang katulong.
Walis, hugas, plantsa ...
Walang humpay na pagdurusa.
Luto, linis, laba ...
Walis, hugas, plantsa ...
At iba pa ... At marami pang iba ..."
Bibilis ang kanilang kinakanta.
CAROL at MARIVIC:
"Asan na ba yung cooking oil?
Paano nga bang sinisindihan ang stove?
Darling, darling! Ayaw bumaga ang uling!
Darling! Darling! Nasusunog yatang sinaing!
Darling, darling! Kay Junior, walang gumising!
Darling, darling! Telepono, panay ang kiriring!
Paano bang buksan ang pump?
Walang lumalabas na tubig!
I-defrost mo na'ng refrigerator!
Puro yelo na'ng nakaka-kilig!
Kay baho na ng mga aso!
Tuyot na'ng mga halaman!
Wala na tayong masuot!
Kulang pala'ng sampayan!
Darling, darling! Ayaw bumaga ang uling!
Darling! Darling! Sunog yatang sinaing!
Darling, darling! Kay Junior, walang gumising!
Darling, darling! Telepono, panay ang kiriring!"
Muling babagal ang kanilang kanta.
"Luto, linis, laba ...
Iyan ang buhay ng walang katulong.
Walis, hugas, plantsa ...
Walang humpay na pagdurusa.
Luto, linis, laba ...
Walis, hugas, plantsa ...
At iba pa ... At marami pang iba ..."
* * *
Sa pagtapos ng kanta nila Carol at Marivic ay papasok muli sa entablado ang ibang mga babae. May pwersa ang mga kilos nila. Lahat sila'y may dalang placard, at bibigyan nila ng tig-isa sina Carol at Marivic. Matapos ay nakahilera pa rin silang gagalaw sa likuran ng dalawa. Ang ilan ay tatawid sa loob ng sala, habang ang iba nama'y mananatili sa harap ng itim na screen, pero gumagalaw nang marahan, nagpi-picket. Ang mga tatawid ng sala ay lalabas din at sasali sa mga ibang naiwan sa labas ng screen.
Kapagdaka'y dadami pa ang mga tao sa entablado. May mga tv crew at photographers at reporters na dadating, mag-fa-flash ang mga camera, at po-posing ang mga ini-interbiyu, nagmimima.
CAROL: Ay, sus ginoo! Ay, sus ginoo! Naku! Ang saya! Pati mga yaya't driver, sumanib samin. Mga pribadong sikyu, nakiramay na rin at di sumipot sa trabaho! Mga hardinero't masahista, di makapasok sa village, at buong-araw ay nag-pi-picket kami sa labas ng gate.
MARIVIC: Ay, byuti ko! Ay, byuti ko! Dinagsa kami ng media. Dumating si Noli Boy, Teddy Boy, kami'y nagpa-interview, nagsumbong kay Mon Tulfo, pati na rin kay Kumpanyero! At nakipag-debate sa show nina Pare at Mare.
Si Ma'm Cheche, si Ma'm Loren, dumating rin na kasama ang mga tv crew. Si Armida, si Manoling, nagpakita't nagpa-kodak-kodakan, tapos nag-ambag upang kami raw ay may makain.
CAROL: Sa loob ng village, hirap na hirap sila. Kawawa rin ang mga dating amo namin. Kalu-oy naman sila.
Makikitang papasok sa entablado si Ramon, mukhang balisa, hinahanap si Margie, na siyang ini-interbiyu ng tv crew. Palit-palit na ini-interbiyu sina Margie, Maring at Esther.
Lalapit si Ramon kay Margie. Nang mapansin ito ni Margie ay hihinto ang aksiyon sa entablado liban kina Margie at Ramon. Iiwan ni Margie ang mga kasama at lalapitan si Ramon. Magyayakapan sila. Hihinto rin sina Carol at Marivic, kayat ang spot ay na kina Margie at Ramon lamang.
RAMON: Ate Margie! Miss ka na namin ni Papa! Miss na miss na kita!
MARGIE: Ako rin, Ramon. Inaalala pa rin kita. Pero meron kaming kinakailangang ipaglaban. Maintindihan mo sana.
Sabay na kakanta ang dalawa.
MARGIE at (RAMON):
"Luto, linis, laba ...
yan ang buhay ng (walang) katulong.
Walis, hugas, plantsa ...
Walang humpay na pagdurusa.
Sampay, punas, timpla ...
Minsan-minsa'y may pahinga."
Mag-so-solo si Ramon.
RAMON:
"Ramdam namin na wala ka.
Ibang mundo, yaya.
Di bale nang kami'y matutong
Pagsilbihan ang sarili.
Huwag lang na di ka makita.
At sa bahay makasama."
Mag-du-duweto uli sila.
MARGIE at (RAMON):
"Luto, linis, laba ...
Walis, hugas, plantsa ...
Sampay, punas, timpla ...
At marami pang iba ...
Walang humpay na pagdurusa.
(Yaya, bumalik ka na.)
Minsan-minsa'y may pahinga.
(Yaya, bumalik ka na.)"
previous page | next page
top
|
|